Huwebes, Pebrero 28, 2013

upuan

(Chant)

Kayo po na naka upo,
Subukan nyo namang tumayo
At baka matanaw, at baka matanaw na nyo
Ang tunay na kalagayan ko

Ganito kasi yan eh...

Verse 1:

Tao po, nandyan po ba kayo sa loob ng
Malaking bahay at malawak na bakuran
Mataas na pader pinapaligiran
At naka pilang mga mamahaling sasakyan
Mga Patay na laging bulong ng bulong
Wala namang kasal pero marami ang naka barong
Lumakas man ang ulan ay walang butas ang bubong
Mga plato't kutsara na hindi kilala ang tutong
At ang kanin ay simputi ng gatas na nasa kahon
At kahit na hindi pasko sa lamesa ay may hamon
Ang sarap sigurong manirahan sa bahay na ganyan
Sabi pa nila ay dito mo rin matatagpuan
Ang tao na nagmamay-ari ng isang upuan
Na pag may pagkakatao'y pinag-aagawan
Kaya naman hindi niya pinakakawalan
Kung makikita ko lamang siya ay aking sisigawan

Chorus:

Kayo po na naka upo,
Subukan nyo namang tumayo,
At baka matanaw, at baka matanaw na nyo
Ang tunay na kalagayan ko

Verse 2:

Mawalang galang na po
Sa taong naka upo,
Alam niyo bang pantakal ng bigas namin ay di puno
Ang ding-ding ng bahay namin ay pinagtagpi-tagping yero
Sa gabi ay sobrang init na tumutunaw ng yelo
Na di kayang bilhin upang ilagay sa inumin
Pinakulong tubig sa lumang takuring uling-uling
Gamit lang panggatong na inanod lamang sa istero
Na nagsisilbing kusina sa umaga'y aming banyo
Ang aking inay na may kayamanan isang kaldero
Na nagagamit lang pag ang aking ama ay sumweldo
Pero kulang na kulang parin,
Ulam na tuyo't asin
Ang singkwenta pesos sa maghapo'y pagkakasyahin
Di ko alam kung talagang maraming harang
O mataas lang ang bakod
O nagbubulag-bulagan lamang po kayo
Kahit sa dami ng pera niyo
Walang doktor na makapagpapalinaw ng mata niyo
Kaya...

Wag kang masyadong halata
Bato-bato sa langit
Ang matamaa'y wag magalit
O bato-bato bato sa langit
Ang matamaan ay
Wag masyadong halata (ooh)
Wag kang masyadong halata
Hehey, (Wag kang masyadong halata)
(Wag kang masyadong halata)

(Chant)

hari ng tondo

Kahit sa patalim kumapit
Isang tuka isang kahig
Ang mga kamay na may bahid ng galit
Kasama sa buhay na minana
Isang maling akala na ang taliwas kung minsan ay tama
Ang hari ng tondo, hari ng tondo
Baka mabansagan ka na hari ng tondo
Hari ng tondo, hari ng tondo-ohhh
Baka mabansagan ka na hari ng tondo

[Voice: "May gatas ka pa sa labi, gusto mo nang mag-hari dito sa Tondo?"]

Minsan sa isang lugar sa Maynila
Maraming nangyayari
Ngunit takot ang dilang
Sabihin ang lahat
Animo'y kagat-kagat
Kahit itago'y 'di mo pwedeng pigilin ang alamat na umusbong
Kahit na madami ang ulupong
At halos hindi iba ang laya sa pagkakulong
Sa kamay ng iilan
Umaabusong kikilan
Ang lahat ng pumalag
Walang tanong
Ay kitilan ng buhay
Hukay, luha'y magpapatunay
Na kahit hindi makulay
Kailangang magbigay-pugay
Sa kung sino mang lamang
Mga bitukang halang
At kung wala kang alam
Ay yumuko ka nalang
Hanggang sa may nagpasya
Na sumalungat sa agos
Wasakin ang mga kadena na siyang gumagapos
Sa kwento na mas astig pa sa bagong-tahi na lonta
Sabay-sabay nating awitin ang tabing na tolda

Kahit sa patalim kumapit
Isang tuka isang kahig
Ang mga kamay na may bahid ng galit
Kasama sa buhay na minana
Isang maling akala na ang taliwas kung minsan ay tama
Ang hari ng tondo, hari ng tondo
Baka mabansagan ka na hari ng tondo
Hari ng tondo, hari ng tondo-ohhh
Baka mabansagan ka na hari ng tondo

[Voices: "Sino ang may sabi sa inyo na pumasok kayo sa teritoryo ko? Amin ang lupang ito." "Hindi, kay Asiong!"]

Nilusong ang kanal na sa pangalan niya'y tumawag
Alang-alang sa iba, tsaka na muna ang paawat
Sa maling nagagawa na tila nagiging tama
Ang tunay na may kailangan ang siyang pinatatamasa
Lahat sila'y takot, nakakapaso ang 'yong galit
Mga bakal na may nagbabagang tinggang papalit-palit sa hangin na masangsang
Nakakapanghina ang nana at hindi mo matanggal na para bang sima ng panang
Nakakulawit subalit sa kabila ng lahat
Ay ang halimuyak lamang ng nag-iisang bulaklak
Ang siyang tanging naghahatid sa kanya sa katinuan
At hindi ipagpapalit sa kahit na sinuman
Ngunit nang dumating ang araw na gusto na niyang talikuran
Ay huli na ang lahat
At sa kamay ng kaibigan
Ipinasok ang tingga
Tumulo ang dugo sa lonta
Ngayon, alam niyo na ang kwento ni Asiong Salonga

Kahit sa patalim kumapit
Isang tuka isang kahig
Ang mga kamay na may bahid ng galit
Kasama sa buhay na minana
Isang maling akala na ang taliwas kung minsan ay tama
Ang hari ng tondo, hari ng tondo
Baka mabansagan ka na hari ng tondo
Hari ng tondo, hari ng tondo-ohhh
Baka mabansagan ka na hari ng tondo

nemo ang batang pael

Si Nemo ay isang batang yari sa ginupit na diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit saka pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa ng mga bata para sa isang proyekto nila sa klase. Ngayo’y bakasyon na. Si Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid. Nakatambak siya sa bunton ng mga maalikabok na polder at enbelop.

Isang araw, isang mapaglarong hangin ang nanunuksong umihip sa silid. Inilipad niya sa labas si Nemo.
Nagpalutang-lutang sa hangin si Nemo. Naroong tumaas siya; naroong bumaba. Muntik na siyang sumabit sa mga sanga ng aratiles. Nang mapadpad siya sa tabi ng daan, muntik na siyang mahagip ng humahagibis na sasakyan. Inangilan siya ng dyip. Binulyawan ng kotse. At sininghalan ng bus.
Mabuti na lamang at napakagaan ni Nemo. Nagpatawing-tawing siya sa hangin bago tuluyang lumapag sa gitna ng panot na damo sa palaruan. Nakahinga nang maluwag si Nemo. Ngunit nagulantang siya sa dami ng nagtatakbuhang paa na muntik nang makayapak sa kaniya. Naghahabulan ang mga bata at kay sasaya nila!
Araw-araw, tuwing hapon, pinanonood ni Nemo ang mga naglalarong bata. Inggit na inggit siya sa kanila. Tuwing makikita niya ang mga bata sa palaruan, gustong-gusto rin niyang maging isang tunay na bata.
“Gusto kong tumawa tulad ng totoong bata! Gusto kong tumakbo tulad ng totoong bata! Gusto kong maghagis ng bola tulad ng totoong bata!”
Sabi nila, kapag may hiniling ka raw na gusto mong matupad, kailangang sabihin mo ito sa pinakamalayong bituin sa langit.
Kaya isang gabi, matiyagang nagbantay sa langit si Nemo. Hinintay niya ang paglabas ng pinakamalayong bituin. At nang makita niya ito, sinabi niya ang kaniyang hiling.
“Bituin, bituin, tuparin ngayon din Ako’y gawing isang batang masayahin!”
Pumikit nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang parang umiikot ang paligid at nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.
Totoong bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya ang kaniyang totoong Tatay na walang trabaho, at totoong Nanay na payat na payat, at walong totoong kapatid na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot, at tagpi-tagpi pero totoong bahay.
“’Wag kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong tatay. “Magtrabaho kayo!”
Kaya napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.
Palakad-lakad si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na bus. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya nang isip kung paano makakatulong sa kaniyang totoong pamilya.
Kahit bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa umaga’y nagtinda siya ng sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.
Pagod na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya, pabilis nang pabilis ang kaniyang pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa eskuwela. Sumilip siyang muli sa paaralang pinanggalingan niya.
Pero dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang sapatos, inirapan lang si Nemo ng libro.
“Hindi ka bagay dito!” sabi ng libro.
“Ang baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.
“Ang dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.
“Alis diyan!”
Kaya napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang sa gilid ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa dagat pero naghikab lang ito. At kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng ilong nang maamoy siya.
“’Wag mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay Nemo.
Malungkot na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming kalye ng marusing na lungsod, sa bawat sulok ay may nakita siyang mga batang-kalye. May nagbebenta ng sampagita. May nagtitinda ng sigarilyo at diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa mga sasakyan. May mga kalbo, galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na plastik na kapag sinisinghot nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng mangmang na ngiti. May mga batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na akay-akay ng matatatandang puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng mata.
“Kay dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.
Kung gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong hangin, ang mga batang kalye ay nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng bayaning may kipkip na libro. Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan. Naghahagikgikan. Pero napansin ni Nemo na walang taginting ang kanilang halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa sulok ng kanilang mata.
Sumama si Nemo sa iba pang batang lansangan. Nagtipon-tipon sila sa isang bahagi ng parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula silang maglaro at magkantahan. Nalaman ni Nemo na marami palang batang tulad niya. Mga batang lansangan, mga batang kailangang maghanapbuhay dahil sa kahirapan.
Tinipon ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang magkuwentuhan sila, nalaman nilang pare-pareho pala ang kanilang gusto: mapagmahal na magulang, maayos na tahanan, masayang paaralan, at sapat na pagkain.
Ipinagtapat ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan. Matutupad ang anumang pangarap kapag hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay silang tumingala sa pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat ng ito.
“Bituin, bituin, tuparin ngayon din Lahat kami’y gawing batang masayahin.”
Sa isang iglap, lahat sila ay naging batang papel. Inilipad sila ng hangin. Kay gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya nila dahil malayo na sila sa magulong pamilya, malupit na eskuwela, at maingay na kalsada.
Nagtaka ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga batang papel. Marami ang naawa sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas maligaya na ngayon ang mga batang papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata na kailangang makibaka at mabuhay sa malupit na kalsada.

Impeng Negro

“Baka makikipag-away ka na naman,” tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula kinatatalungkuang giray na batalan, saglit iyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

“Hindi ho,” paungol niyang tugon.

“Hindi ho...” Ginagad siya ng kanyang ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”

May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Pulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.

Isinaboy niya ang tubig na naa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at maghilamos.

“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala nang gatas si Boy. Eto’ng pambili.”

Tumindig na siya. Nanghihimad at naghihikab na itinaas ang mahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangan na siyang lumakad. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.

Umiingit ang sahig ng kanilang barung-barong nang siya’y pumasok.

“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”

Sa sulok ng kanyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na gris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.

“Mam’ya, baka umuwi ka na namang... basag ang mukha.”

Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumusunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahaba ang kanyang biyas.

Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang damit nila nina Kano, Boyet, at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.

“Yan na’ng isuot mo.” Parang nahulaan ang kanyang iniisip.

Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsek-beho kapag suot iyon ngunit wala naman iyang maraming kamietang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kita niya sa pag-aagwador.

Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, paan na niya ang kargahan. Tuloy-tuloy niyang tinungo ang hagdan.

“Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kanyang ina. “Huwag mo nang pansinin.”

Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.

Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikioagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon iyon; basagulero. Lagi niyang iinasaisip ang mga bilin nito ngunit adya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag narinig niya ang masasakit na panunukso sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.

Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsimula ng panunukso.

“Ang itim mo, Impen,” itutukso nito.

“Kapatid mo ba si Kano?” isasabad sa mga nasa gripo.

“Sino bang talaga ang tatay mo?”

“Sino pa,” isisingit I Ogor, “di si Dikyam.”

Sasambulat na ang tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.

“E, ano kung maitim?” isasagot niya.

Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon : “Tingnan mo’ng buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo’ng ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso. Namamalirong!”

Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinabi sa sarili. Negro nga siya. E, ano kung Negro? Ngunit napipikit siya. Ang tatay niya’y isang sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.

Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang inabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)

“ari-sari ang nagiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!”

Noong dinadala ng kanyang ina ang kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barung-barong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At iya ang napagtuunan ng sari-saring panunukso.

Natatandaan niya angmga panunuksong iyon. At mula noon, nagsisimula nang umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik, nagsuumigaw na panghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.

Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton ang mababatong daan, patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barung-barong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi, nababasa niyang isinisigaw ng mga paslit, Negro!

Napatungo na lamang siya.

Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.

Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailan man binigyan ng pagkakataongmaging kaibigan.

Halos kasinggulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos, hindi yumuyuko kahit may pang balde ng tubig, tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.

Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulong tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis ang pagkakawit ng mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y huwag siyang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.

Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. At may isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin naman ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang lugar. AT bihira ang may poso.

Tanghali na akong makauuwi nito nausal niya habang binibilang niya sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwang ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.

Di kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging yerong medya agwa ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit, at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay. May kumakain ng halu-halo.

Sa pangkat na iyon ay natutok agad ang kanyang paningin kay Ogor. Pinilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti na rin iyon kahit nakabilad a araw. Pasasaan ba’t di iikli rin ang pila, nasaisip niya. Makakasahod din ako.

Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang sigaw mula sa tindahan :

“Hoy, Negro, sumilong ka baka pumuti!”

Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.

“Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e baka ka masunog!”

Malakas ang narinig niyang tawanan. Ngunit hindi pa rin siya lumingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod sa balde, ngunit ang isip niya ay ang bilin ng ina, na huwag na raw niyang papansinin si Ogor. Bakit ba niya papansinin si Ogor?

Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umuusad ang pila, nararamdaman niya lalo ang init ng araw. Sa paligid ng balde, nakikita niya ang kanayng anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang batok at sa ibabaw ng kanyang ilong.

Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan at isinawak ang kamay sa nalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisg. May nadama siyang ginhawa. Ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdamang tila nangangalirang na naman ang kanyang batok at balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balat.

“Negro!” Napatuwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. “Huwag ka nang magbilad. D’on ka sa lamig.”

Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakitang ngingisihan siya nito.

Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor. Napabuntunghininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakes, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik…

May galak na sumuusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya.

Makakasahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. Pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.

Datapuwa’t, pagkaalis ng balding hinihintay niyang mapuno, at isasahod na lamang ang a kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. SI Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatdan nito ng tubig.

“Gutom na ako! Negro,” sabi ni Ogor, “Ako muna.”

Pautos iyon. Saglit siyang hindi nakakibo. Natingnan lamang niya si22 Ogor. Iginitgit ni Ogor ang balde at kumalantog ang kanilang mga balde.

Iginitgit niya ang kanyang balde bahagya nga lamang at takot siya sa paggitgit. Kadarating mo pa lamang, Ogor nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a.

“Ako muna sabi, e.” giit ni Ogor.

Bantulot niyang binawi ang balde. Nakatingin pa rin si Ogor. Itinaob niya ang kakaunting nasahod ng balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabot sa mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.

“Ano pa bang ibinubulong mo?”

Hindi na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanyang kanang pisngi sa labi ng nabitiwang balde. Napasigaw siya. Napaluhod siya sa madulas na semento, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi.
Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa… Mapula… Dugo!

Nanghihlakbot siya. Sa loob ng ilang saglit hindi na niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.

O…gor … O …gor” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. “Ogor!” sa wakes ay naisigaw niya.

Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagkakasigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng balding lalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga pang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.

Bigla siyang bumaligtad. Nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakakaakma ang mga bisig.

“Ogor”

Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumulas ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw siya. Umiiyak siyang gumulong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng matinding sakit.

Matagal din bago napawi ang paninigas sa kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanayng mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.

Si… Ogor. Sa mula’t mula pa’t itinuturing na siya nitong kaaway. Bakit siya ginaganoon ni Ogor? Bakit? Bakit?

Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.

Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. Nagyakap sila. Pagulong-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sunod-sunod niya Dagok, dagok, dagok, dagok, dagok, dagok… pahalipaw… papaluka…papatay.

Sa pook na iyon, sa nakakarimarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Maruming babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak . At siya, isang maitim, hamak na Negro… Papatayin niya si Ogor… papatayin. Papatayin.

Dagok. Dagok, dagok… Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok, Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya sa araw. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa ngunit wala siyang nararamdamang sakit!

Nakakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano… si Boyet… Si Diding… at siya… Negro, Negro, Negro!

Sa mga dagok ni Ogor tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos- lakas at nag-uumuti siyang umigtad. Dagok, dagok, bayo, bayo, dagok, bao… kahit saan. Sa mukha.. Dagok, dagok, dagok, dagok…

Mahinana si Ogor. Lupaypay na. Nalaglag na ang nagsasangang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo…

Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.

“Impen…”

Muli niyang itinaas ang amay. Dagok.

“I-mpen…” halos hindi na niya naririnig ang halinghing ni gor. “I-mpen, suko n-na…a-ako…s-suko na na … a-ako!”

Naibaba niya ang nakataas na kama. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya. Abut-abot ang paghingal. Makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likd. May basa ng dugo’t lupa ang kanyang nguso.

Maraming sandaling walang nangahas na magsalita. Walang nakakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.

Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga it. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y pangingimi.

Pinangingimian siya!

May luha siya sa mga mata ngunitmay galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagud niya ang mga kamao. Nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay, ang tatag… ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.

Sa matinding sikat ng araw. Tila siya isang mandirigmang sugatan ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagiang larangan.

Alamat ni Tungkung Langit

Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.
Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.
Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.
Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.
Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.
Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.
Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”
Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.
Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.
Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.
Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.
Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.
“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.
Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.
Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.
Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.
Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”
Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.
Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.
Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.
Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.
Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.
[Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray,  at muling isinalaysay ni Roberto T. AƱonuevo]

KUNG BAKIT UMUULAN

Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pangoras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang Diyos, si Tungkung Langit, at ang kaniyang kabiyak na si Alunsina.
“Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!” pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.
“Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha,” ang sabi ni Alunsina.
“Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin.”
“Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong Diyosa,” bulong ni Alunsina.
Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga nang malalim, at sumigaw nang pagkalakas-lakas sa kawalan.
Lahat ng sabihin ni Tungkung-Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.
At naulit ito nang naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay.
“Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda,” ang sabi ni Tungkung Langit kay Alunsina.
Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klaseng buhay. Naramdaman niyang parang wala siyang silbi bilang Diyosa. Gusto niyang lumikha.
“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tungkung Langit sa kaniyang iniibig, “wawakasan ko ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng… oras!” At nagsimula nga ang oras.
Kasamang nalikha ng oras ang alaala… at naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit ano. “Gusto kong lumikha!” sabi ni Alunsina.
Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: “Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?”
“Gusto kong lumikha! Diyos din ako tulad mo!” sabi ni Alunsina.
“Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat para sa iyo!”
Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, ang buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya roon, nanonood, nakakunot ang noo.
“Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong Diyosa!”
Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.
Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kaniyang puso, kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya nang makitang walang apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kaniyang Alunsina.
“Alunsina! Alunsina!” Hinanap nang hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang asawa, ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina, ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.
Lumipas ang mahabang panahon, at nasawa rin sa paglikha si Tungkung Langit. Araw-araw, hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita.
Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa ilang ulap. Hinawi niya ang mga ulap at sa kaniyang gulat, naroon ang kaniyang asawang si Alunsina.
“Anong ginagawa mo diyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap!”
Tumingala si Alunsina. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang kaligayahang matagal nang hinahangad ni Tungkung Langit.
“Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon.
Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong Diyos.” At nagpatuloy si Alunsinang lumikha.
Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kaniyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kaniya.
Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan-minsan, sinusubok siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit hindi na babalik muli si Alunsina.
Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kaniyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kaniyang iniibig, si Alunsina.

Sandaang Damit

1. May isang batang babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang imik. Madalas ay nag - iisa siya. Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Lagi siyang nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos paanas pa kung magsalita.
2. Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay halatang luma na, palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.
3. Kapag oras ng kainan at labasan nag kani-kaniyang pagkain, halos ay ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago niya sa kanyang kandungan ang pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung ano ang dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate .
4. Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman.
5. Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.
6. Ang nangyayaring ito ay batid ng kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat - labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakibo, at sabay haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya, “Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng masasarap na pagkain. Maibibili rin kita ng maraming damit.”
7. At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaho kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang ina.
8. Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na ipinasok nila sa kanyang isip.
9. Hanggang nang isang araw ay natuto siyang lumaban.
10. Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang natutong sumagot ang mahirap na batang babae na laging luma, kupas at puno ng sulsi ang damit. Ang batang babae na ang laging baon ay tinapay na walang palaman. Isa na naman iyong pagkakataong walang magawa ang kanyang mga kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.
11. “Alam ninyo,” sabi niya sa malakas at nagmamalaking tinig, ”ako’y may sandaang damit sa bahay.”
12. Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala. “Kung totoo iyan ay bakit lagi na lang luma ang isinusuot mo?”
13. Mabilis ang sagot niya, “dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”
14. “Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang mahirap.
15. “Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o may bulaklak.”
16. At nagsimula na nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pamparti. Makintab na rosas ang tela na maraming mumunting bulaklak, bolga ang manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na may burda. O ang kanyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malaking bulsa.
17. Mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita at sila ang nakikinig. Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kanyang pagiging mahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich.
18. Isang araw, hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw at ng sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga kaklase at guro.
19. Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.
20. Lumabas ang isang babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Sila ay pinatuloy at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa isang sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay ang batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunan ng pansin kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa dingding sa may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at naroroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang drowing ng kanyang damit pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at iniingatan sa bahay.
21. Sandaang damit na pawang drowing lamang.

course out line para sa mga 7 graders

SUBJECT TITLE: FILIPINO I
SUBJECT DESCRIPTION: WIKA AT PANITIKAN I
PRE REQUISITE: NONE
SUBJECT OUTLINE
FIRST QUARTER
I. MGA PABULA
a. KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG PABULA
a.1 ibat ibang paraan ng pagtatanong
a.2 pangkatang gawain
a.3 pagsasanay
a.4 pagsubok
b. MGA ELEMENTO NG PABULA
b.1 mga uri ng tauhan
b.2 pangkatang gawain
b.3 pagsasanay
b.4 pagsubok
c. MGA PARAAN SA PAGPAPAHAYAG NG EMOSYON
c.1 pangkatang gawain
c.2 pagsasanay
c.3 pagsubok
d. MGA PANG URI
d.1 pangkatang gawain
d.2 pagsasanay
d.3 pagsubok
e. MGA BAHAGI NG PANGUNGUSAP
f. MGA EKSPRESYON SA PAGBIBIGAY NG PAYO/
MUNGKAHI
g. PAGSASALING WIKA
Ibat Ibang Rehiyong Pangwika
II. Lagumang pagsubok /summative test
III. Scientific Notation
Periodical Test
Project: Port folio
Other requirements: kalipunan ng ibat ibang pabulang Filipino
na isinalin sa ibat ibang dayalekto
Materials Needed: Quiz note book, note book,
kayumanggi (Journal), long
plastic/brown envelop, manila
paper, pentel pen
GRADING SYSTEM
I. RECITATION 30%
Individual Performance-----15 %
Group performance----------15%
II. PORT FOLIO 15 %
III. PROJECT 10%
IV. QUIZZES 20%
V. PERIODIC TEST 25
SECOND QUARTER
I. MGA ALAMAT
c. KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG ALAMAT
a.1 pangkatang gawain
a.2 pagsasanay
a.3 pagsubok
b. GRAMATIKA/RETORIKA
IBAT IBANG URI NG PAGTATANONG
b.1 kawsatib na pag-ugnay
b.2 kaantasan ng pang uri
b.3 pang ugnay
c. ELEMENTO NG ALAMAT
BANGHAY
c.1 Pangkatang gawain
c.2 Pagsasanay
c.3 Pagsubok
d. ELEMENTO NG ALAMAT
TAGPUAN
e. ELEMENTO NG ALAMAT
TAUHAN
F. PAGBUO NG STORY COLLAGE
G. PAGSASALING WIKA
II. PAGBIBIGAY NG SUMMATIVE TEST
III. PERIODICAL TEST
PROJECT: PORT FOLIO
OTHER REQUIREMENTS: PAGSULAT /PAGLIKHA NG KOMIKS
THIRD QUARTER
I. MGA EPIKO
A. KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN
a.1 pangkatang gawain
a.2 pagsasanay
a.3 pagsubok
B. MGA ELEMENTO NG EPIKO
b.1 tagpuan
b.2 tauhan
b.3 uri ng tunggalian
C. BANGHAY
D. IBAT IBANG ANYO NG PANG URI
E. MGA PANG ANGKOP
F. PAGSULAT NG ISKRIP/DULANG
PANTANGHALAN/INFORMANS
G. PAGSASALING WIKA
II. LAGUMANG PAGSUBOK/ SUMMATIVE TEST
III. SCIENTIFIC NOTATION
PERIODICAL TEST
PROJECT: PORTFOLIO
OTHER REQUIREMENTS: PAGSULAT NG ISKRIP
PAGSASAGAWA NG PLAY
GROUP PERFORMANCE
FOURTH QUARTER
I. ADARNA
A. KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG IBONG ADARNA
B. MAHAHALAGANG TAUHAN NG IBONG ADARNA
C. PAGTALAKAY SA NILALAMAN NG IBONG ADARNA
D. PAGSASANAY
E. PAGSUBOK
II. SUMMATIVE TEST
F. PERIODI PAGSULAT/PAGLIKHA NG POCKET BOOK NG
IBONG ADARNA

Sundalong patpat

ANG SUNDALONG PATPAT
Rio Alma
Unang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan gusto.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang ayaw dumalaw ng ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikalawang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng manok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nakalimot na ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang tilaok ng manok. “Dumarating ito kung tinatawagan at dinasalan.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang hindi makarinig ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikatlong Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng bundok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang hinihimas ang kabayong humihingal. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng kalbong bundok. “Nagtago sa pinakamataas na ulap.” “Kung gayon, aakyatin ko ang ulap,” sabi ng Sundalong Patpat at umimbulog agad sa simoy na pumapagaspas.

Ikaapat na Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng ulap. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang tinatapik ang nahihilong kabayong payat. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng maputlang ulap. “Nagtago sa pusod ng dagat.” “Kung gayon, sisisirin ko ang dagat,” sabi ng Sundalong Patpat at lumundag pabulusok sa mga along nakatinghas.

Ikalimang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng dagat. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. “Pero hindi nagtatago ang ulan,” paliwanag ng nagniningning na dagat. “Ibinilanggo ni Pugita sa kaniyang mutyang perlas.” “Kung gayon, papatayin ko si Pugita,” sabi ng matapang na Sundalong Patpat. “Palalayain ko ang ulan.”At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng kaniyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok ng Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si Pugita sa talim at talas ng kumikislap na espadang patpat.

Una at Ikalawang Pangkat: Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang malalaki’t mahahabang galamay ng mabagal at matabang dambuhala. Isa, dalawa, tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Huli na nang magbuga ng maitim na tinta si Pugita. Nasungkit na ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa kuwintas ng nalumpong hari ng dagat!

Ikatlo at Ikaapat na Pangkat: Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis na kabayong payat. Pag-ahon ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas, hanggang umabot sa tiyan ng ulap at sumabog na masaganang ulan.

Ikalimang Pangkat: Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli’t naglaro ang mga damo’t dahon. Nagbihis ng luntian ang mga bukid at bundok. Muling umawit ang mga ibon at ilog…

Lahat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka na naman dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang gusi ng ginto sa puno ng bahaghari,” sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat.