Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at
lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang
pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng
buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang
paglitaw ng daigdig ng mga tao.
Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan,
niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila
walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At
paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t
mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at
balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang
aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.
Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin
ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na
tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang
sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung
Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang
iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit.
At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming
dibdib kapag kami’y nagniniig.
Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang
aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga
bagay at buhay sa buong kalawakan.
Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin,
apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan,
na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi
ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa
aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon
kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.
Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na
tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako
sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si
Tungkung Langit.
Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan
ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano
itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa
napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain
upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking
naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka
na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang
nagpapakapagod!”
Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko
mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala
na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga
tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng
aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang
pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.
Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang
paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa
aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang
iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad .
“Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang
hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang
gabi.
Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na
pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking
kalooban.
Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may
mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag
mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka.
Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng
aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking
kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si
Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa
dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.
Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa
dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa
dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala.
Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming
dalawa.
“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung
Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga
nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita
ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang
bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang
kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.
Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang
mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong
lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man.
Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.
Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako.
Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay
ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking
maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking
matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa
kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang
kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.
Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay
hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung
magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa
sariling pag-iral.
Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni
Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating
matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si
Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa
dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa
kahit na munting bagay.”
Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa
aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko.
Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming
pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang
pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit
nanatili siyang bigo.
Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit
niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging
malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi.
Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na
karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina
na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind
gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.
Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan
lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng
napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil,
maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya.
Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang
piling.
Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako.
Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas.
Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko.
Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang
mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo.
Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik
sa kaniyang piling.
Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa,
gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang
lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang
pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng
malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang
pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni
Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.
[Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray, at muling isinalaysay ni Roberto T. AƱonuevo]
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento