Biyernes, Marso 1, 2013

obra


pulangi ang lang na humubog sa maraming henerasyon


bayan ko:laban o bawi

May mga kaibigan at kakilala akong nag-iisip nang mangibang-bayan. Hindi naman sila mga Amboy na may mental colony, at ang ilan pa nga sa kanila ay magiting na lumaban sa dalawang People Power Revolution sa Edsa. Pero nitong mga nakaraang araw, seryosong pinag-aaralan ng mga kaibigan at kakilala kong ito ang posibilidad na mag-immigrate sa Canada o Australia.

Kung baga, pagod na sila sa laban, bawi na ang gusto nila.

Hindi ko naman sila masisi. Ibon mang may layang lumipad, kapag matagal-tagal nang nakakalanghap ng makamandag na hangin dito sa ating bayang magiliw, ay makakaisip na talagang mag-alsa-balutan at mag-TNT.

At hindi sila nag-iisa, o nag-iisandaan, o nag-iisang milyon. Ayon sa pinakahuling survey ng Weather-Weather Station, 69 porsiyento ng ating mga kabataan--at siyento-porsiyento ng mga sidewalk vendor at ng mga presong nahatulan ng kamatayan--ay ayaw nang maging Pilipino. Mas gusto nilang maging Men in Black. O kaya'y X-Men. O kahit na Hobbit.

Ang 30 porsiyento naman, ayon pa rin sa nasabing survey, ay gustong sumapi sa Yaya Sisterhood. Mas malaki kasi ang kita sa pag-aalaga ng isang uhuging sanggol sa Hongkong kaysa pagtuturo ng 50 uhuging bata sa ilalim ng punong mangga sa Barangay Bagong Bakuna.

Gayunman, lumalabas sa survey na may isang porsiyentong nakalaan pa ring manatili sa ating lupang tinubuan. Ito'y binubuo ng mga sumusunod na sektor: pulitiko, kidnap-for-ransom gang, Abu Sayyaf, at
SWAP (Samahan ng mga Walang Atik at Pamasahe).

"Wala na talagang pag-asa ang Pilipinas, sa kabila ng dalawang Edsa at isang Diosdado Macapagal Avenue," himutok ng mga nawalan na ng pag-asa.

Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ng paglaganap ng kawalang-pag-asa ang sumusunod: di-masawatang krimen, di-kinokolektang basura, di-makontrol na polusyon, sobrang trapik, walang-tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at galunggong, kawalan ng hanapbuhay, paghihigpit sa mga pelikulang bold, at pagpapakasal ni Assunta kay Kongresista Jules.

Takang-taka ang mga kaibigan ko't kakilala kung bakit pinipili kong dito pa rin manirahan sa loob ng bayan nating sawi. Ang una nilang tanong ay: "Bakeeet?!" At ang ikalawa'y: "Is that your final answer?" "Do you sure?"

Ganito ang sagot ko sa kanila.

Sa ganang akin, mas masarap pa ring mabuhay sa Pilipinas dahil exciting ang buhay dito, hindi boring. Kung masyadong plantsado ang bawat araw at gabi mo, kung sukat na sukat ang bawat oras mo mula sa pagpasok sa trabaho hanggang sa pag-uwi ng bahay, mamamatay ka sa antok. Samantalang dito sa atin, makapigil-hininga at makabagbag-damdamin at puno ng misteryo ang bawat sandali, tulad sa telenovela.

Paglabas mo ng bahay, hindi ka nakatitiyak na walang aagaw sa cellphone mo. Pagtulog mo sa gabi, hindi ka nakatitiyak na walang magtatanggal sa side-view mirror ng kotse mo.

Kahit superbilyonaryo ka at marami kang security, tulad ni Kongresista Imee Marcos, puwede ka pa ring mabiktima ng akyat-bahay. At kahit superpobre ka at walang mananakaw sa bahay mo, tulad ng mga taga-Payatas, puwede namang mabagsakan ng bundok ng basura ang barungbarong mo.

Sa madaling salita, kung narito ka sa Pilipinas, para kang laging nakakapanood ng palabas sa circus. Marami kang makikitang naglalakad sa alambreng tinik, at kabilang sa makikita mo ay ang iyong sarili.

At saka, marami namang magagandang nangyayari sa ating bayan. Sa kabila ng kapalpakan at  kasuwapangan ng maraming taong-gobyerno, mayroon namang gumagawa ng kabutihan. Halimbawa, sa Iloilo ay ipinagbawal na ng alkalde ang bikini car wash. Sa gayon, napangalagaan niya ang dangal, puri, at kalusugan ng kababaihan. Nawalan nga lang ng trabaho ang mga nakabikining kumikita noon ng P400 isang araw, pero hindi na sila sisipunin. Kung ipasiya nilang magputa na lang, baka mas malaki pa ang
kanilang kitain.

Salamat din sa pangangalaga sa moralidad na ginagawa ng mga taong-simbahan, hindi ka na makakabili ngayon ng condom sa 7-11 at iba pang convenience store. Posibleng lalong lumaganap ngayon ang AIDS sa Pilipinas, o kaya'y maraming mabubuntis na hindi puwedeng magpalaglag, pero kasalanan nila iyon.
Mahilig kasi silang manood ng Joyce Jimenez sa Pasay, e di, ayan, impiyerno sa lupa ang bagsak nila.

Kahit ano pa ang sabihin tungkol sa Pilipinas, grabe rin naman ang kalagayan sa ibang bansa.

Sa New York, halimbawa, kabubukas lang ng Museum of Sex. Diumano, mayroon itong layuning historikal at edukasyonal, at ipakikita nito ang "sexual landscape" sa pamamagitan ng ritrato, poster, painting, libro, at pelikula, na mangyari pa ay puro malaswa at mahalay sa paningin ni Cardinal Sin.

Alam ba ninyo ang implikasyon ng ganitong Museum of Sex? Lalo pang mapapariwara ang maraming kalalakihang Amerikano, na pagkatapos ay magsusundalo, at pagkatapos ay ipapadala sa Pilipinas para sa Balikatan, at pagkatapos ay magsisilang ng isa na namang henerasyon ng mga walang-tatay na tisoy at tisay, na pagkatapos ay kukuning artista ni Kuya Germs at sa kalaunan ay magiging bold star, na pagkatapos ay pupukaw sa makamundong pagnanasa ng mga manonood, na paglabas ng sinehan ay manggahasa ng unang babaeng makikita nila, na dahil walang condom ay magsisilang ng sanggol na
may AIDS, at pagkatapos...

Diyos na mahabagin! Wala na bang katapusan ang trahedya ng sambayanang Pilipino?

Teka muna, bawi na rin yata ako. May mapapasukan kaya ako sa Timbuktu?

bagong bayani


nagsimula sa panahon ng yelo


Sipi mula sa “Ampalaya (Ang Filipinas 50 Taon Makatapos ng bagong milenyo)

Upang basahin ang kapalaran ng mga bayan,
kailangang buklatin ang aklat ng kaniyang kahapon.
At dahil diyan ay inuulit namin at uulitin kailanman, na,
samantalang may panahon ay lalong mabuting pangunahan
ang mga hangarin ng isang bayan kaysa pahinuhod; ang una’y
umaakit ng kalooban at ng pag-ibig; ang pangalawa ay
umaakit ng pagpapawalang-halaga at ng poot.
(Ang Filipinas sa Loob ng Sandaang Taon -
Jose Rizal)
1 Sarap na sarap sa paghahapunan ang pamilyang de la Cruz, isang gabing tikatik ang
ulan at ang simoy ng amihan sa mga unang araw ng buwan ng Pebrero ay naghahatid
ng nakapanghahalukipkip na lamig.
2 Sa liblib na baryong ito na lalong naging liblib dahil napag-iwanan ng mabilis na pagbabago ng mundo, ang munggong sinahugan ng ampalaya at tinambalan ng tuyo ay
langit nang masasabi.
3 “Heaven!”
4 Ganyan nga ang sinabi ng kabataang mountaineer na minsang nagawi sa pamilya
de la Cruz at nakisalo ng munggong may ampalaya. Matagal na raw siyang hindi
nakakatikim ng ganoong ulam.
5 Hindi iyon maunawaan nina Juan de la Cruz dahil pangkaraniwan lang na ulam nila
iyon. Pagkaing mahirap, wika nga. Laking tuwa nila nang abutan sila ng ilang de-lata
bilang kapalit sa munggo’t ampalaya.
6 Kaya’t sa tuwing ganito ang kanilang ulam ay naghahagikgikan ang pamilya de la Cruz
sa alaalang ito.
7 Hagikgikan pa sila nang hagikgikan dahil sa sinasabi sa radyo habang naghahapunan
sila. Hindi nila mapagtanto kung ano ang sinasabi ng announcer. Bargain sale daw sa
Super Tiangge Mall ng mga kasangkapan tulad ng teleponong nakikita ang kausap at
bombilyang 10 watts lamang pero kayang ilawan ang isang malaking plasa.
8 Sapagkat, ni koryente o linya ng telepono ay wala sila. Taong 2050 ay wala silang
koryente o linya ng telepono.
9 Nagkaroon kung sa nagkaroon ngunit pinutulan din ang buong baryo nang ang
karamihan dito ay hindi nakayanang magbayad.
10 Gapok at nakahilig na ang mga poste ng koryente; at ang mga kawad ay pinagkukuha
na nila para gawing sampayan o panali ng kung ano-ano.
11 Gayon ding nakatiwangwang na ang butas-butas na mga solar panel na ikinabit noong
bata pa si Juan. Donasyon iyon ng mga Aleman, limampung taon na ang nakakaraan,
noong bago magpalit ang taon sa kalendaryo mula sa panimulang disinuwebe tungo sa
dalawampu.
12 Tulong daw iyon upang hindi magdumi ang papawirin mula sa karbong ibinubuga ng
mga de-langis na plantang lumilikha ng koryente. Na, sa pagdami ng karbon sa
papawirin ay siyang nagiging sanhi ng pag-init ng mundo. At siya namang sanhi ng
pagbabago ng klima at panahon: wala sa panahong bagyo, panay-panay na tagtuyot,
at kainitang pati silang sanay nang mababad sa araw ay umaangal.
1. Ano ang kalagayan sa buhay ng pamilya ni Juan de la Cruz? Magbigay ng mga patunay.
2. Bakit kaya “heaven” para sa kabataang mountaineer ang ulam na ampalaya at tuyo, gayong
pangkaraniwan lamang ito sa pamilya de la Cruz?
3. Bakit naman sila tuwang-tuwa pagkabigay sa kanila ng mga de-latang pagkain ng mountaineer?
4. Batay sa mga impormasyong inilahad sa bahaging ito, ipaliwanag ang tagpuan ng kuwento –
saan at kailan ginanap ang istorya.13 Ngunit sa pagdalaw ng bagyong siya nga sanang nilulutas ng solar panel ay siya
namang pagkabutas-butas at pagkakalasog-lasog nito.
14 Sa tuwing nakikita ni Juan ang mga kalansay ng panahong iyon ay sumasagi sa kaniya,
bilang isang gising na bangungot, ang mga ritwal, takot, at pag-iimbak ng mga
pagkain dahil sa sunod-sunod na kalamidad na dumadalaw na siyang kinikilalang mga
signos ng katapusan na ng mundo; at paniwalang hatid ng pagbabago ng milenyo.
15 Tuyo na rin at tinabalan na ng damo ang mga poso, na kapag hinawan ang sukal ay
makikita pa sa semento ang mga pangalan ng nangampanyang meyor, gubernador,
kinatawan, bokal, at pangulo. Ang mala-lapidang talang ito ay parang isang punit na
pahina na siya na ring nagsisilbing tanging nakatalang kasaysayan ng baryong iyon.
16 Kaya nga’t napapahagikgik na lang sila sa tuwing nakakarinig sila ng mga balita
tungkol sa mabilis na pagbabago sa lungsod at sa ibang sulok ng daigdig.
17 Gaya ng iba pang produktong inaanunsyo ng announcer na kahit pa singkwenta
porsyento ang ibinaba ng mga presyo nito, dahil sa pagkawala ng taripa ayon sa
umiiral na pang-ekonomiyang kalakaran ng globalisasyon, ay hindi pa rin maabot ng
karaniwang mamamayan.
18 Sa radyo niya narinig ang mga mabibigat na salitang iyon hinggil sa pang-ekonomiyang
kalakaran, tuwing umagang bago niya harapin ang kaniyang mga pananim. Kaya’t
tuwing umaga nga, sa awa ng itinatagal ng baterya, pilit inuunawa ni Juan kung bakit
umuunlad naman ang ibang bansa, o kung bakit umuunlad naman ang Maynila ay lalo
naman yatang nahuhuli ang kanilang baryo.
19 Kalabaw pa rin ang gamit nila sa pagsasaka samantalang sinasabi rin sa radyo na
de-robot na ang pagsasaka sa ibang bansa.
20 Sinungaling marahil ang radyo. O, marahil hindi niya nasundang mabuti ang sinasabi
ng radyo dahil madalas maubusan siya ng baterya.
21 Pero sa radyo din niya narinig na ‘wag daw silang mag-alala. ‘Yan ang pangako ng
bagong pangulo, isang child actress noong magpang-abot ang mga milenyo na higit na
nakilala sa halos makatotohanang pagganap niya sa papel ng batang ginang-rape ng
kaniyang lolo, ama, at mga tiyuhin.
22 Pararatingin daw niya ang kaunlaran hindi lang sa Maynila, bagkus sa kaliblib-liblibang
sulok ng bansa, gaya ng kanilang baryo. Iyon ang pangako ng dating child actress.
23 Kaya’t ganoon ngang umaasa na lang sina Juan. Sapagkat, ano pa nga ba ang
kanilang magagawa kundi ang umasa na lang at magsikap sa araw-araw.
24 Ni hindi nga siya sumapi sa mga rebeldeng halos mag-iisandaang taon nang
nakikipaglaban ngunit hindi pa rin nagwawagi.
25 Sa ilang pagbisita sa kanila ng mga ito ay nakikipaghuntahan sila kay Juan at
ipinapaliwanag kung bakit paurong lalo ang takbo ng buhay sa kanayunan. Ito,
diumano ay sanhi ng globalisasyon na sinimulan noon pa mang dekada ’90 ng ika-20
siglo. At kaya nakalusot ang bagong kaayusang ito ay dahil sa imperyalistang hangarin
ng Estados Unidos, sa pakikipagkutsabahan nito sa naghaharing uri ng bansa sa
pangunguna ng mga panginoong maylupa at komprador-burgesya.
26 Kung anuman ang pinagsasabi sa kaniya ng mga taong labas ay hindi niya
maunawaan; na ‘yon din naman ang kantsaw ng matandang si Kadyo, 80 anyos at
dating aktibista sa kaniyang kapanahunan—na halos mag-iisandaang taon na ay iyon
pa rin ang uri ng pagsusuri ng mga rebelde sa lipunang Filipino.
27 “Sapagkat hindi po nagbabago ang kaayusang politiko-ekonomiya ng bansa,” ang
mariing ratrat ng batang gerilya.
28 “Ipasa-Diyos na lang natin,” ang sabi naman ng pari na taunan kung magmisa sa
kanilang baryo.
29 “Magbabago para sa kabutihan ang lahat,” ang sabi naman ng kandidatong meyor, na
anak ng dating meyor, na anak din ng dating meyor, na anak pa uli ng dating meyor, na
anak ng…
30 “Putris naman.” Ito ang sumasagi lagi sa isipan ni Juan tuwing nauungkat sa anumang
pagkakataon ang kaunlaran sa lungsod at ang kahirapan naman sa kanilang baryo.
31 Hanggang sa natutuhan na niya at ng kaniyang pamilya na maghahagikgikan na lang
sa tuwing nauungkat ang mga ganitong kaunlaran.
32 Para lamang daw iyang LRT sa Kamaynilaan na maigi ngang sa pagpasok mo sa isang
estasyon ay makakarating ka saan mang parte ng Maynila; ngunit ikot lang nang ikot at
hindi nakakaabot sa kanayunan.
33 Mahigit limampung taon na si Juan, halos kasintanda ng bagong milenyo; isang tunay
na magsasakang nabubuhay kahit paano sa kaniyang mga sinasaka, umaasa sa sarili
at walang pineperwisyo.
34 ‘Yan lang ang kaniyang maipagyayabang, na binuhay niya ang kaniyang pamilya,
walang-wala man sila. Sapagkat ganoon din siya binuhay ng kaniyang ama, kahit
walang-wala mandin sila.
35 Kaya’t nakakahimlay siya, sila, nang matiwasay tuwing gabi. Lalo pa ngayong
halumigmig ang hangin na pinag-init naman ng kaninang umaasong munggong may
ampalaya na hinapunan nila kanina.
36 At sila’y natulog nang mahimbing.

Nang Maging Mendiola Ko Ang Internet Dahil kay Mama

Binigyan tayo ng Diyos ng bibig para makapagsalita at utak para makapag-isip.
     Iyan ang paulit-ulit na dayalogo sa akin ni Mama sa tuwing nalalaman niyang hindi na naman ako nagsalita upang ipagtanggol ang aking sarili. Ako kasi yaong tipo ng taong hindi nagsasabi ng tunay na nararamdaman at hinaing. Napag-isip-isip kong may punto naman siya doon. Tama naman talaga siya. Ginagamit natin ang ating mga bibig para maisalita kung ano ang ating mga saloobin kaagapay ang utak upang iproseso ang mga napapansin at kapansin-pansing mga bagay-bagay na nangyari sa ating paligid.
     Ngunit, naisip ko, habang sinasabi na naman niya sa akin ang paborito niyang linya, paano naman kaya ang mga piping hindi naisasalita ang kanilang mga saloobin? O kaya, ang mga taong katulad ko na nahihiya o kung minsan ay natatakot isalita ang mga saloobin? Paano kaya nila sasabihin sa mga tao sa paligid nila ang kanilang mga hinaing? Paano kaya nila maipararating ang kanilang mga nasasaisip. Paano kaya nila maipagtatanggol ang kanilang mga sarili laban sa iba? Hindi naman sa lahat ng oras ay nariyan ang mga taong nakauunawa sa bawat pagkumpas ng kanilang mga kamay at pagbabago ng ekspresyon ng kanilang mga mukha o ang mga simpleng pananahimik nila sa sulok ng bahay. Nagtataka ako. Paano kaya nila sasabihin ang mga gusto nilang sabihin kung ipinagkait sa kanila ang kakayahan at karapatang makapagsalita?
     Ang lahat naman ay magagawan ng paraan, ang motto nga ni Mama.
     Salamat sa internet! Ito ang nagsilbing tulay ko upang maipahayag sa aking mga kausap ang ilang mga bagay na hindi ko kayang maiparating nang tuwiran. Hindi ko man maisatinig palagi ang mga nais kong sabihin, maaari ko namang maisulat ang mga ito. Gamit ito, naipaparating ko sa aking mga kaibigan ang aking kasalukuyang kalagayan, opinyon, pananaw at mungkahi ukol sa ilang mga isyung personal at panlipunan.
     Minsan nga ay nabasa ko ang ipinost ng isa kong kaibigan sa facebook. Nanghihingi siya ng mga mungkahi sa kung anong magandang gawin ngayong bakasyon. Marami ang nagbigay ng kanilang mga opinyon. May mga nagsabing magbabad na lamang sa pagfe-facebook. May mga nagsabing maglaro na lamang daw sila ng mga computer games. Alam ko na mag-aaksaya lang sila ng panahon, pati na rin ng kuryente na nagbabadyang tumaas na naman ang halaga. Hindi ako sumang-ayon sa mga mungkahi nila. Sa una'y nag-aalinlangan akong magbigay ng opinyon pero nag-aalala ako na baka hindi nila magugustuhan ang sasabihin ko o baka hindi maganda ang magiging reaksyon ng mga makakapansin sa aking isusulat. Ngunit, maya-maya ay nagpasyahan ko na magbigay na rin ng aking opinyon. Naisip ko, wala namang masama kung susubukan kong magtipa ng mga nais kong sabihin. Iyon ang unang pagkakataong nagbigay ako ng opinyon maliban sa mga madalas kong iminumungkahi na "hahaha" , "tama" , at kung anu-anong mga pangkaraniwang ekspresyon.
     "Sulitin mo ang summer, kumain ka ng sorbetes o 'di kaya'y mag-swimming ka para ma-enjoy mo ang init ng panahon. Kung gusto mo'y pwede ka ring mag-exercise, magiging fit ka pa niyan. Sumulat ng blogs tungkol sa iyong sarili o ilang mga tula tungkol sa iyong mga nararamdaman ngayong tag-init."
     Iba-iba ang naging reaksyon ng mga nakapansin sa sinulat ko. Marami ang nag-like ngunit may ilan-ilang ding umalma. Gayunpaman, natuwa pa rin ako dahil marami ang nagsabing maganda ang mungkahi kong iyon. Kahit papaano'y naibahagi ko ang mga ideyang maaaring makatulong sa iba, hindi ba? Kaya simula noon ay ganap ng natanggal ang mga pag-aalinlangan kong magkomento o magpahayag ng aking mga opinyon, pati ang mga nais kong sabihin ay madalas ko na ring ipinopost sa facebook at twitter.
     Hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon sa pagsasalita, isa na naman iyan sa mga pahayag ni Mama.
     Ang pahayag na iyon ni Mama ang nagpapaalala sa akin kung bakit hindi ako nag-aalangang maghayag ng aking saloobin sa internet sapagkat ito ay hindi namimili ng tao. Sa madaling salita walang diskriminasyong nagaganap sa mundong ito. Lahat ay pwedeng gumamit nito. Bukas kasi sa publiko. Walang pinipiling taong gagamit. Mapabata, estudyante, mangangalakal, guro, doktor, mga kawani ng gobyerno, mga tagapag-ulat, manunulat, mga lolo't lola, maging ang mga may kapansanan – sinuman ay mamamangha sa dami ng pakinabang nito.
     Syempre, hindi magpapatalo ang mga kabataang tulad ko. Ito ngayon ang paraan ko at ng iba pang kabataan para ipaalam sa lahat ang reaksyon, opinyon, at saloobin namin tungkol sa mga nangyayari sa aming paligid – pamilya, pamayanan, lipunan at mundo. Ang bawat titik na itinitipa namin sa kompyuter ay may mahalagang mensahe. Umaasa kami na mapapansin ang mga ipinopost naming mga blogs sa internet, na kahit sa mundo ng cyberspace ay pwede naming baguhin ang realidad, na maaari naming gawing tama ang ilang mga maling napapansin namin sa paligid, at hindi lang kami basta-basta nagpapalipas ng oras gamit ito. Alam kong mapatutunayan namin ito.
     Napag-isip-isip ko na kahit sa lipunan ay makatutulong kaming mga kabataan sa pamamagitan ng internet, hindi ba't kami rin naman ang sinasabing kinabukasan ng ating bayan? Ang mga raliyista sa Mendiola ay nahihirapan na iparating ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan. Nakapagsasalita man sila, hindi naman sila pinakikinggan ng gobyerno. Nakatitiyak ako na gumagamit din ng internet ang pamahalaan at siguradong mababasa rin nila ang mga blogs na nakapost doon. Isa ako sa mga sumusuporta sa kanila kung alam kong tama ang ipinaglalaban nila. Lahat tayo'y umaasa na sa oras na mabasa ng may kapangyarihan ang mga reaksyon at opinyon na inilalagay natin sa internet ay malalaman nila at baguhin ang kanilang mga pagkakamali.
     Ang internet ang nagsisilbing Mendiola ko at naming mga kabataan ngayon. Ito na ang malayang kalsada na kung saan kami ay nagpapalitan ng iba't iba naming reaksyon at kuro-kuro sa mga maiinit na isyu at pangkasalukuyang kaganapan ng ating lipunan. Dito na namin ipino¬-post ang mga naglalakihan naming mga plakards ng reaksyon at hinaing. Dito na namin ipinapakalat ang mga nalilikha naming mga tula, sanaysay at artikulong magbubukas ng isip sa kapwa-kabataan namin.
     Hindi naman kasi totoong puro kompyuter at pagfe-facebook na lang ang inaatupag ng lahat ng mga kabataan ngayon. Siguro nga'y napapansin na halos 'di kami matinag sa harap ng kompyuter pero hindi naman sa lahat ng oras ay naglilibang lang kami. Dala na rin siguro ng modernisasyon kaya nakasanayan na naming gumamit ng internet para maipahayag namin ang aming mga sarili – ang aming mga saloobin, mga pananaw, reaksyon, at mga opinyon. Alam kong may pagkakatong hindi na rin namin makontrol ang aming mga sarili sa paggamit ng internet, at inaamin ko na nagkakamali kami, pero sana'y maunawaan ninyo na sa mga edad naming ito ay masyado kaming sensitibo, mausisa, at mapaglakbay sa totoong mundo at sa mundo ng cyberspace. Nais naming ilabas ang aming mga saloobin sa pamamagitan ng internet.
     Tuwing kinakausap ako ni Mama noon ay nakikinig lamang ako sa kanya. Para akong piping hindi nagsasalita kapag tinatanong niya ako kung ano ang opinyon at pananaw ko sa isang bagay. Hindi ko alam kung nag-aalala ako na baka mali ang masasabi ko o natatakot ako sa magiging reaksyon niya. Pero ngayon, panatag ko nang nailalahad ang aking mga opinyon, pananaw, at mga nararamdaman kay Mama, at pati na rin sa mga taong malalapit sa aking buhay. Para akong piping natutong magsalita. Salamat kay Mama sapagkat natuklasan kong maging Mendiola ang internet na naging dahilan sa pagsasatinig at pagsasatitik ng aking mga saloobin. Malaking bagay na natuto akong ibahagi ang aking nararamdaman, ideya, at karanasan dahil alam kong makatutulong din ang mga ito sa ibang tao. Ewan ko ba! Gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing naipahahayag ko ang aking nararamdaman dito.