Iyan ang paulit-ulit na dayalogo sa
akin ni Mama sa tuwing nalalaman niyang hindi na naman ako nagsalita
upang ipagtanggol ang aking sarili. Ako kasi yaong tipo ng taong hindi
nagsasabi ng tunay na nararamdaman at hinaing. Napag-isip-isip kong may
punto naman siya doon. Tama naman talaga siya. Ginagamit natin ang ating
mga bibig para maisalita kung ano ang ating mga saloobin kaagapay ang
utak upang iproseso ang mga napapansin at kapansin-pansing mga
bagay-bagay na nangyari sa ating paligid.
Ngunit, naisip ko, habang sinasabi
na naman niya sa akin ang paborito niyang linya, paano naman kaya ang
mga piping hindi naisasalita ang kanilang mga saloobin? O kaya, ang mga
taong katulad ko na nahihiya o kung minsan ay natatakot isalita ang mga
saloobin? Paano kaya nila sasabihin sa mga tao sa paligid nila ang
kanilang mga hinaing? Paano kaya nila maipararating ang kanilang mga
nasasaisip. Paano kaya nila maipagtatanggol ang kanilang mga sarili
laban sa iba? Hindi naman sa lahat ng oras ay nariyan ang mga taong
nakauunawa sa bawat pagkumpas ng kanilang mga kamay at pagbabago ng
ekspresyon ng kanilang mga mukha o ang mga simpleng pananahimik nila sa
sulok ng bahay. Nagtataka ako. Paano kaya nila sasabihin ang mga gusto
nilang sabihin kung ipinagkait sa kanila ang kakayahan at karapatang
makapagsalita?
Ang lahat naman ay magagawan ng paraan, ang motto nga ni Mama.
Salamat sa internet! Ito ang
nagsilbing tulay ko upang maipahayag sa aking mga kausap ang ilang mga
bagay na hindi ko kayang maiparating nang tuwiran. Hindi ko man
maisatinig palagi ang mga nais kong sabihin, maaari ko namang maisulat
ang mga ito. Gamit ito, naipaparating ko sa aking mga kaibigan ang aking
kasalukuyang kalagayan, opinyon, pananaw at mungkahi ukol sa ilang mga
isyung personal at panlipunan.
Minsan nga ay nabasa ko ang ipinost ng isa kong kaibigan sa facebook.
Nanghihingi siya ng mga mungkahi sa kung anong magandang gawin ngayong
bakasyon. Marami ang nagbigay ng kanilang mga opinyon. May mga nagsabing
magbabad na lamang sa pagfe-facebook. May mga nagsabing maglaro na lamang daw sila ng mga computer games.
Alam ko na mag-aaksaya lang sila ng panahon, pati na rin ng kuryente na
nagbabadyang tumaas na naman ang halaga. Hindi ako sumang-ayon sa mga
mungkahi nila. Sa una'y nag-aalinlangan akong magbigay ng opinyon pero
nag-aalala ako na baka hindi nila magugustuhan ang sasabihin ko o baka
hindi maganda ang magiging reaksyon ng mga makakapansin sa aking
isusulat. Ngunit, maya-maya ay nagpasyahan ko na magbigay na rin ng
aking opinyon. Naisip ko, wala namang masama kung susubukan kong magtipa
ng mga nais kong sabihin. Iyon ang unang pagkakataong nagbigay ako ng
opinyon maliban sa mga madalas kong iminumungkahi na "hahaha" , "tama" ,
at kung anu-anong mga pangkaraniwang ekspresyon.
"Sulitin mo ang summer, kumain ka ng sorbetes o 'di kaya'y mag-swimming ka para ma-enjoy mo ang init ng panahon. Kung gusto mo'y pwede ka ring mag-exercise, magiging fit ka pa niyan. Sumulat ng blogs tungkol sa iyong sarili o ilang mga tula tungkol sa iyong mga nararamdaman ngayong tag-init."
Iba-iba ang naging reaksyon ng mga nakapansin sa sinulat ko. Marami ang nag-like
ngunit may ilan-ilang ding umalma. Gayunpaman, natuwa pa rin ako dahil
marami ang nagsabing maganda ang mungkahi kong iyon. Kahit papaano'y
naibahagi ko ang mga ideyang maaaring makatulong sa iba, hindi ba? Kaya
simula noon ay ganap ng natanggal ang mga pag-aalinlangan kong
magkomento o magpahayag ng aking mga opinyon, pati ang mga nais kong
sabihin ay madalas ko na ring ipinopost sa facebook at twitter.
Hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon sa pagsasalita, isa na naman iyan sa mga pahayag ni Mama.
Ang pahayag na iyon ni Mama ang nagpapaalala sa akin kung bakit hindi ako nag-aalangang maghayag ng aking saloobin sa internet
sapagkat ito ay hindi namimili ng tao. Sa madaling salita walang
diskriminasyong nagaganap sa mundong ito. Lahat ay pwedeng gumamit nito.
Bukas kasi sa publiko. Walang pinipiling taong gagamit. Mapabata,
estudyante, mangangalakal, guro, doktor, mga kawani ng gobyerno, mga
tagapag-ulat, manunulat, mga lolo't lola, maging ang mga may kapansanan –
sinuman ay mamamangha sa dami ng pakinabang nito.
Syempre, hindi magpapatalo ang mga
kabataang tulad ko. Ito ngayon ang paraan ko at ng iba pang kabataan
para ipaalam sa lahat ang reaksyon, opinyon, at saloobin namin tungkol
sa mga nangyayari sa aming paligid – pamilya, pamayanan, lipunan at
mundo. Ang bawat titik na itinitipa namin sa kompyuter ay may mahalagang
mensahe. Umaasa kami na mapapansin ang mga ipinopost naming mga blogs sa internet, na kahit sa mundo ng cyberspace
ay pwede naming baguhin ang realidad, na maaari naming gawing tama ang
ilang mga maling napapansin namin sa paligid, at hindi lang kami
basta-basta nagpapalipas ng oras gamit ito. Alam kong mapatutunayan
namin ito.
Napag-isip-isip ko na kahit sa
lipunan ay makatutulong kaming mga kabataan sa pamamagitan ng internet,
hindi ba't kami rin naman ang sinasabing kinabukasan ng ating bayan? Ang
mga raliyista sa Mendiola ay nahihirapan na iparating ang kanilang mga
hinaing sa pamahalaan. Nakapagsasalita man sila, hindi naman sila
pinakikinggan ng gobyerno. Nakatitiyak ako na gumagamit din ng internet
ang pamahalaan at siguradong mababasa rin nila ang mga blogs na nakapost
doon. Isa ako sa mga sumusuporta sa kanila kung alam kong tama ang
ipinaglalaban nila. Lahat tayo'y umaasa na sa oras na mabasa ng may
kapangyarihan ang mga reaksyon at opinyon na inilalagay natin sa
internet ay malalaman nila at baguhin ang kanilang mga pagkakamali.
Ang internet ang nagsisilbing Mendiola ko at naming mga kabataan ngayon.
Ito na ang malayang kalsada na kung saan kami ay nagpapalitan ng iba't
iba naming reaksyon at kuro-kuro sa mga maiinit na isyu at
pangkasalukuyang kaganapan ng ating lipunan. Dito na namin ipino¬-post
ang mga naglalakihan naming mga plakards ng reaksyon at hinaing. Dito na
namin ipinapakalat ang mga nalilikha naming mga tula, sanaysay at
artikulong magbubukas ng isip sa kapwa-kabataan namin.
Hindi naman kasi totoong puro kompyuter at pagfe-facebook
na lang ang inaatupag ng lahat ng mga kabataan ngayon. Siguro nga'y
napapansin na halos 'di kami matinag sa harap ng kompyuter pero hindi
naman sa lahat ng oras ay naglilibang lang kami. Dala na rin siguro ng
modernisasyon kaya nakasanayan na naming gumamit ng internet para
maipahayag namin ang aming mga sarili – ang aming mga saloobin, mga
pananaw, reaksyon, at mga opinyon. Alam kong may pagkakatong hindi na
rin namin makontrol ang aming mga sarili sa paggamit ng internet, at
inaamin ko na nagkakamali kami, pero sana'y maunawaan ninyo na sa mga
edad naming ito ay masyado kaming sensitibo, mausisa, at mapaglakbay sa
totoong mundo at sa mundo ng cyberspace. Nais naming ilabas ang aming mga saloobin sa pamamagitan ng internet.
Tuwing kinakausap ako ni Mama noon
ay nakikinig lamang ako sa kanya. Para akong piping hindi nagsasalita
kapag tinatanong niya ako kung ano ang opinyon at pananaw ko sa isang
bagay. Hindi ko alam kung nag-aalala ako na baka mali ang masasabi ko o
natatakot ako sa magiging reaksyon niya. Pero ngayon, panatag ko nang
nailalahad ang aking mga opinyon, pananaw, at mga nararamdaman kay Mama,
at pati na rin sa mga taong malalapit sa aking buhay. Para akong piping
natutong magsalita. Salamat kay Mama sapagkat natuklasan kong maging
Mendiola ang internet na naging dahilan sa pagsasatinig at pagsasatitik
ng aking mga saloobin. Malaking bagay na natuto akong ibahagi ang aking
nararamdaman, ideya, at karanasan dahil alam kong makatutulong din ang
mga ito sa ibang tao. Ewan ko ba! Gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing
naipahahayag ko ang aking nararamdaman dito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento