May
mga kaibigan at kakilala akong nag-iisip nang mangibang-bayan. Hindi naman sila
mga Amboy na may mental colony, at ang ilan pa nga sa kanila ay magiting na
lumaban sa dalawang People Power Revolution sa Edsa. Pero nitong mga nakaraang
araw, seryosong pinag-aaralan ng mga kaibigan at kakilala kong ito ang
posibilidad na mag-immigrate sa Canada o Australia.
Kung
baga, pagod na sila sa laban, bawi na ang gusto nila.
Hindi
ko naman sila masisi. Ibon mang may layang lumipad, kapag matagal-tagal nang
nakakalanghap ng makamandag na hangin dito sa ating bayang magiliw, ay
makakaisip na talagang mag-alsa-balutan at mag-TNT.
At
hindi sila nag-iisa, o nag-iisandaan, o nag-iisang milyon. Ayon sa pinakahuling
survey ng Weather-Weather Station, 69 porsiyento ng ating mga kabataan--at
siyento-porsiyento ng mga sidewalk vendor at ng mga presong nahatulan ng
kamatayan--ay ayaw nang maging Pilipino. Mas gusto nilang maging Men in Black. O
kaya'y X-Men. O kahit na Hobbit.
Ang
30 porsiyento naman, ayon pa rin sa nasabing survey, ay gustong sumapi sa Yaya
Sisterhood. Mas malaki kasi ang kita sa pag-aalaga ng isang uhuging sanggol sa
Hongkong kaysa pagtuturo ng 50 uhuging bata sa ilalim ng punong mangga sa
Barangay Bagong Bakuna.
Gayunman,
lumalabas sa survey na may isang porsiyentong nakalaan pa ring manatili sa ating
lupang tinubuan. Ito'y binubuo ng mga sumusunod na sektor: pulitiko,
kidnap-for-ransom gang, Abu Sayyaf, at
SWAP
(Samahan ng mga Walang Atik at Pamasahe).
"Wala
na talagang pag-asa ang Pilipinas, sa kabila ng dalawang Edsa at isang Diosdado
Macapagal Avenue," himutok ng mga nawalan na ng pag-asa.
Kabilang
sa mga ibinigay na dahilan ng paglaganap ng kawalang-pag-asa ang sumusunod:
di-masawatang krimen, di-kinokolektang basura, di-makontrol na polusyon, sobrang
trapik, walang-tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at galunggong, kawalan ng
hanapbuhay, paghihigpit sa mga pelikulang bold, at pagpapakasal ni Assunta kay
Kongresista Jules.
Takang-taka
ang mga kaibigan ko't kakilala kung bakit pinipili kong dito pa rin manirahan sa
loob ng bayan nating sawi. Ang una nilang tanong ay: "Bakeeet?!" At
ang ikalawa'y: "Is that your final answer?" "Do you sure?"
Ganito
ang sagot ko sa kanila.
Sa
ganang akin, mas masarap pa ring mabuhay sa Pilipinas dahil exciting ang buhay
dito, hindi boring. Kung masyadong plantsado ang bawat araw at gabi mo, kung
sukat na sukat ang bawat oras mo mula sa pagpasok sa trabaho hanggang sa pag-uwi
ng bahay, mamamatay ka sa antok. Samantalang dito sa atin, makapigil-hininga at
makabagbag-damdamin at puno ng misteryo ang bawat sandali, tulad sa telenovela.
Paglabas
mo ng bahay, hindi ka nakatitiyak na walang aagaw sa cellphone mo. Pagtulog mo
sa gabi, hindi ka nakatitiyak na walang magtatanggal sa side-view mirror ng
kotse mo.
Kahit
superbilyonaryo ka at marami kang security, tulad ni Kongresista Imee Marcos,
puwede ka pa ring mabiktima ng akyat-bahay. At kahit superpobre ka at walang
mananakaw sa bahay mo, tulad ng mga taga-Payatas, puwede namang mabagsakan ng
bundok ng basura ang barungbarong mo.
Sa
madaling salita, kung narito ka sa Pilipinas, para kang laging nakakapanood ng
palabas sa circus. Marami kang makikitang naglalakad sa alambreng tinik, at
kabilang sa makikita mo ay ang iyong sarili.
At
saka, marami namang magagandang nangyayari sa ating bayan. Sa kabila ng
kapalpakan at kasuwapangan ng maraming taong-gobyerno, mayroon namang
gumagawa ng kabutihan. Halimbawa, sa Iloilo ay ipinagbawal na ng alkalde ang
bikini car wash. Sa gayon, napangalagaan niya ang dangal, puri, at kalusugan ng
kababaihan. Nawalan nga lang ng trabaho ang mga nakabikining kumikita noon ng
P400 isang araw, pero hindi na sila sisipunin. Kung ipasiya nilang magputa na
lang, baka mas malaki pa ang
kanilang
kitain.
Salamat
din sa pangangalaga sa moralidad na ginagawa ng mga taong-simbahan, hindi ka na
makakabili ngayon ng condom sa 7-11 at iba pang convenience store. Posibleng
lalong lumaganap ngayon ang AIDS sa Pilipinas, o kaya'y maraming mabubuntis na
hindi puwedeng magpalaglag, pero kasalanan nila iyon.
Mahilig
kasi silang manood ng Joyce Jimenez sa Pasay, e di, ayan, impiyerno sa lupa ang
bagsak nila.
Kahit
ano pa ang sabihin tungkol sa Pilipinas, grabe rin naman ang kalagayan sa ibang
bansa.
Sa
New York, halimbawa, kabubukas lang ng Museum of Sex. Diumano, mayroon itong
layuning historikal at edukasyonal, at ipakikita nito ang "sexual
landscape" sa pamamagitan ng ritrato, poster, painting, libro, at pelikula,
na mangyari pa ay puro malaswa at mahalay sa paningin ni Cardinal Sin.
Alam
ba ninyo ang implikasyon ng ganitong Museum of Sex? Lalo pang mapapariwara ang
maraming kalalakihang Amerikano, na pagkatapos ay magsusundalo, at pagkatapos ay
ipapadala sa Pilipinas para sa Balikatan, at pagkatapos ay magsisilang ng isa na
namang henerasyon ng mga walang-tatay na tisoy at tisay, na pagkatapos ay
kukuning artista ni Kuya Germs at sa kalaunan ay magiging bold star, na
pagkatapos ay pupukaw sa makamundong pagnanasa ng mga manonood, na paglabas ng
sinehan ay manggahasa ng unang babaeng makikita nila, na dahil walang condom ay
magsisilang ng sanggol na
may
AIDS, at pagkatapos...
Diyos
na mahabagin! Wala na bang katapusan ang trahedya ng sambayanang Pilipino?
Teka
muna, bawi na rin yata ako. May mapapasukan kaya ako sa Timbuktu?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento