Madalas ka ba sa Katipunan?
Siguro’y nakita mo na ang Frankie’s Steaks
and Burgers, sa tabi ng bagong Cravings, malapit sa Lily of the Valley Beauty
& Grooming Salon. Kung nakita mo na iyon, nakita mo na rin siguro si
Bototoy.
Lunes hanggang
Sabado, inaakyat ni Bototoy ang liku-likong landas mula Barangka hanggang
service gate sa likod ng Ateneo Grade School, kasama ng tatay niyang
maintenance engineer sa paaralan at ng mga kalaro niyang sina Nono, Itoc, at
Radny. Karamihan sa mga batang umaakyat doo’y humihimpil sa malawak na covered court
ng College, sa tabi ng Our School, malapit sa Obesrvatory, kung saan sila
nagaabang ng magba badminton at tennis na tatawag ng pulot boy. Si Bototoy
naman ay hindi humihimpil doon. Lalakarin niya ang malayu-layo pang Gate 2, at
doon ay tatawid siya sa Katipunan, upang maupo sa sentadong island sa harap ng
Frankie’s Steaks and Burgers. Natatandaan mo na ba siya?
Anim na taong gulang si Bototoy. Ahit ang
kaniyang ulo maliban sa tumpok na buhok sa ibabaw ng kaniyang noo. Mabilog at
masigla ang kaniyang mga mata. Mabilog din ang kaniyang pisngi, lagi siyang
nakangiti, at mayroon siyang mga ngipingkuneho. Suot-suot niya’y kamiseta’t
shorts at sandals na Happy Feet na laging kupas at maluwang, pagkat pinaglakhan
ng kaniyang mga kapatid. Maliit si Bototoy, kaya’t di siya humihimpil sa
covered court. Doon ay lagi siyang nauunahan sa pagpulot ng bola nina Nono at
Itoc at Radny at ipa pang batang barangkang higit na maliksi at higit na malaki
sa kaniya. Kaya nga’t isang araw ay napadpad siya sa harap ng Frankie’s Steaks
and Burgers, at doon ay nagkusa siyang mag-watch-your-car. Kaniya-kaniya ang
lugar na iyon, pagkat ang ibang bata’y nasa harap ng Shakey’s at ng Jollibee at
ng McDonald’s at ng Kentucky’s, sa iba pang mga bahagi ng Katipunan, kung saan
marami at sunud-sunod ang pumaparadang sasakyan. Bagamat mangilan-ngilan nga
lamang ang tumitigil sa harap ng Frankie’s ay kuntento na si Bototoy – kahit
kung minsan ay hindi siya inaabutan ng kahit singko, at kung minsan ay hindi
siya pinapansin, at kung minsan ay binubulyawan pa siya ng may-ari ng sasakyan.
Kung mahina ang raket ay magdamag siyang
nauupo sa sementadong island sa harap ng Steaks and Burgers, na parihaba niyang
trono, maalikabok tuwing tag-init at tuwing tagulan ay maputik. Ngayon –
naaala’la mo na ba siya?
Labing-isa ang kapatid ni Bototoy – ang apat
na panganay ay nagsipagasawa’t mayroon nang pamilya. Ang sumunod pang apat ay
nagtapos ng hay iskul at kasalukuyang iginagapang ang pag-aaral ng tatay nilang
maintenance engineer at ng nanay nilang hilot. Ang sumunod na dalawa’y nasa
elemetari pa. Si Bototoy at ang bunsong si Nining ay pinagpasiyahang huwag
munang pag-aralin, pagkat libre man ang matrikula’y sakit ng ulo ang pambili ng
gamit at kasangkapan sa mga prodyek. Paboritong kapatid ni Bototoy si Nining.
Tuwing papanaog sa Barangkang kasakasama ng
tatay at mga kalaro, bago umuwi’y nagdaraan siya sa tindahan ni Aling Rory: sa
gaano mang kaliit na kinita sa pagwa-watch-your-car ay ibinibili niya ang bunso
ng kahit na anong munting pasalubong: isang supot na Oishi o Ding Dong o Tomi,
o dalawang balot na Choc-Nut o Kripy Bar o Cloud 9, o tatlong pirasong White
Rabbit o Snow Bear o Judge. Saka lamang siya papasok at susuot sa pasikut-sikot
na looban, tungo sa kanilang tinitirhan. Sa may poso pa lamang ay tanaw na niya
ang malinggit na si Nining, nakaupo sa may pintuan, naghihintay, nakadamit at
sadals na Happy Feet na kupas at maluwag din, ang mga mata’y mabilog at masigla
rin, ang mga pisngi’y mabilog din. Nakangiti. At tulad niya’y mayroong mga
ngiping-kuneho.
Pagkatapos maghapunan ng patis at kangkong, o
kung minsa’y bagoong, sina Bototoy at Nining ay tumutulong sa nanay sa
pagtitiklop ng sinampay, pagkatapos ay nakikipanood ng telebisyon sa
kapitbahayna sina Aling Mela. Bago mag-alas-otso’y pinapapanhik na sila, kaya’t
naglalaro’t naghuhuntahan na lamang sa magkabila ng maliit nilang kahon ng mga
laruang plastik.
“Bukas, Kuya, ano’ ’uuwi mo?” laging tanong
ni Nining.
“’Di ko sasabihin, sorpresa,” lagi namang
sagot ni Bototoy.
“Marami’ klase’ kendi?”
“Maraming-marami. ’Pag marami’ ’ko’ makuha’
pera, mas marami’ ’ko’ mabibili.”
“Kuya, sa’n ka ku’kuha’ pera?”
“Sa Katipunan. Don ako nagtatrabaho.”
“Do’n sa trabaho ni Tatay?”
“Hindi, mas malayo pa. Tatawid ka pa. Mi’san,
kung gusto mo, ‘sasama kita.”
“Gusto ko, Kuya.”
At
tulad ng dati,
magbibida si Bototoy tungkol sa kaniyang pagwa-watch-your-car sa harap
ng Frankie’s. Tungkol sa mga taong nagagawi roon. Tungkol sa kanilang
mga kasuotan. Tungkol sa kanilang mga sasakyan. Tungkol sa minsa’y
nag-abot sa
kaniya ng limang piso.
Si
Nining ay
mangangarap ng kendi at damit at laruan. At si Bototoy naman
ay mangangarap nng pagbabantay ng pagkarami-raming sasakyan, sa harap ng
Frankie’s Steaks and Burgers, sa Katipunan. Madalas ka ba roon?
Siguro’y
narinig mong
tunay na masarap ang pagkain doon. Taga-Mabalacat ang may-ari at ubod ng
linamnam ang kaniyang tenderloin at t-bone at spare ribs
at Hawaiian at Salisbury at a la pobre at beef teriyaki at tocino at
skinless at
tapa at arroz a la Cubana, na laging hanap-hanap ng nagsisidayo roon.
Maliit at makitid ang
puwesto, ngunit malinis at naka-aircon. Nakagigiliw sa paningin ang mga
ilaw na
pendiyente sa ibabaw ng mga mesa, at laging may masayang tugtugin. Sa
tabi ng kaha, may
lata-latang turrones de casuy at basket-basket na petit fortunes at
gara-garapong yemas at
balotbalot na espasol at bote-botelyang garlic peanuts.
Pero iisa ang pambato ng Frankie’s Steaks and Burger – di lamang sa mga regular na parokyano kundi sa lahat ng nagsisidaan, pagkat sa tabi ng pintuang salamin ay may aluminyum na bintanang pan-take-home, at sa ilalim ng bintana’y may makulay na paskil na tinitikan ng pentel pen na pula at asul sa isang parisukat na pirasong dilaw na kartolina:
FRANKIE’S ESPECIAL
PORK EMPANADA
P 10.50
Nakakain ka na ba ng pork empanadang iyon?
Uma-umaga,
tangha-tanghali’t
hapon-hapon, di iilan ang nagsadya sa Katipunan at tumigil sa harap ng
Frankie’s at kumatok sa bintana at nag-order ng pork
empanadang iyon: isa-isa, dose-dosena, grosa-grosa – pambaon,
pangmeryenda, panregalo,
panghain sa bisita. Di rin iilan ang nag-order at doon mismo kumain,
kung hindi sa tapat
ng bintana’y sa harap o gilid ng munting restawran, at kung hindi sa
harap o gilid
noon ay sa nakatigil nilang sasakyan. Lagi silang pinanonood ni Bototoy,
nakatuntong
sa sementadong island, tahimik at nag-iisa.
Minsa’y isang binata at isang dalaga ang
nagparada ng Galant, at nag-order ng pork empanada at Coke, at doon nagpalamig
sa loob ng sasakyan.
“Bos, watsyorkar,” magalang na mungkahi ni
Bototoy, na winalang-bahala lamang ng dalawa, palibsahang may masayang biro
silang pinagtatawanan. Muling naupo si Bototoy sa sementadong island. Pagkat
bukas ang bintana ng Galant, dinig ni Bototy ang kanilang usapan habang sila’y
kumakain, maging sa kaniyang kinauupan:
“I always buy this, it’s so ‘sarap,” sabi ng
dalaga.
“’Galing the crust,” sabi ng binata.
“Yeah, it’s so manipis and it’s so malutong,
‘di ba?”
“When you bite it, it’s like manamis-namis.”
“This one’s really, really, really may Tita’s
favorite. She’ll go out and make lakad just to buy. It has giniling with no
taba, and bacon bits, and chips, and raisins, and water chestnuts, and chopped
onions and carrots, and grated cheese. So diff’rent from the commercial ones
you buy in other places, how harang, it’s all potatoes and it’s so maalat and
it tastes like flour.”
Matapos magmirindal ay hinagis nila sa labas
ang mga basyong plastik, na matapos inuma’y kinuyumos muna’t pinilasan, at ang
mga pirasong wax paper na pinagbalutan ng empanda, at ang manipis na
sorbelyeta.
Sabi ni Bototoy sa kaniyang sarili, “Pag
yumaman ako, kakain ako no’n.”
Pinagmasdan niya ang dilaw na paskil, at ang
aluminyum na bintana, at ang weytres na naroo’t nag-aayos ng bunton-buntong
pork empanadang nangagkabalot ng wax paper sa mga plastik na bandeha.
Sinuksuk ni Bototoy ang isa niyang kamay sa
kaliwang bulsa ng maluwang niyang shorts: doo’y may dalawang beinte-singkong
bagol. Sinuksik ang kabila sa kanang bulsa: isang diyes, tatlong singkol,
dalawang mamera. Matagal-tagal pa, at marami pang sasakyang babantayan, bago si
makabili ng kahit isang pork empanada.
Kung sana’y malaki-laki lamang siya, nang
makapag-pulot-boy sa covered court, o kaya’y makapangagaw ng iwa-watch-your-car
sa harap ng Shakey’s at ng Jollibee at ng McDonald’s at ng Kentucky’s!
Tatlong piso at kuwarenta sentimos lamang ang
kinita niya sa buong maghapon. Nang sunduin niya ang tatay niysa sa Maintenance
Department ay tahimik siya’t malayo ang tingin. Kagyat na naisip ng tatay
niya’t mga kalaro kung siya’y nadapuan ng sakit, ngunit dahilan niya’y napagod
lamang siya sa kawa-watch-your-car sa harap ng Frankie’s. Sa tindahan ni Aling
Rory ay matagal niyang pinagmunimunihan ang ipapasalubong sa bunsong kapatid.
Nakuntento siyang bumili ng isa balot na ruweda.
May dalawang piso’t labimpitong sentimo
siyang natitira – imbes ibili ng lastiko o holen o teks o ihulog sa alkansiya
ng nanay ay maitatabi niya. Bilang simula ng kaniyang pagiipon. Noong gabing
iyon, bago ganap na makatulog ay nanagimpan siya ng masarap na buhay na walang
takot at walang pagod at walang sakit at walang kakulangan sa pera at walang
problema, at sa pinilakang tabing ng kaniyang diwa’y kasama niya si Nining, at
sila’y nagbibiruan, at sila’y nakasakay sa isang (maliit, mangyari’y
panagimpang-bata) Galant, at sila’y nagparada sa harap ng Frankie’s, at sila’y
nag-order ng pork empanada at Coke, at doon sila nagpalamig sa loob ng
sasakyan.
Pagdilat niya’y maliwanag na sa labas, at
yinuyugyog siya sa balikat ng tatay niya.
“Toy – sasama ka ba?” dinig niyang bulong ng
tatay niya.
“Opo,” tugon niya, bagamat talos niya na sa
umagang iyon ay manghuhuli sina Nono at Itoc at Radny ng alupihang-dagat sa San
Roque, at noong makalawa lamang ay naghanap siya ng malinis na basyo ng Ligong
paglalagyan, at nagpaalam siya sa nanay.
Dalawang piso lamang ang kinita niya noong
araw na iyon, kayat sa tindahan ni Aling Rory ’y higit pa siyang nagmunimuni
bago nagpasiyang bumili ng apat na pirasong Tootsie Roll, na siyang
pinasalubong niya kay Nining. Ang basyo ng Ligong ginawa niyang sisidlan ng
sinsilyo’y kaniyang nadagdagan – nang kaunti lamang, gayunpama’y nadagdagan.
Inalog niya iyon at pinagmasdan. At inisip na sa loob ng sanlinggo’y maaaring
mangalahati na ang laman niyon. At inisip din na sa loob ng isang buwan ay
makabibili na siya ng pork empanada. At muli niyang inalog at pinagmasdan.
“Nag-iipon ako, Nining,” pagtatapat niya sa
bunsong kapatid, bago niya ibinaon ang basyo sa ilalim ng maliit nilang kahon
ng mga plastik na laruan. “’Pag marami na ’ko’ pera, bibili tayo’ empanada.
Masarap iyon.”
“Parang litson, Kuya?” usisa ni Nining.
“Mas masarap. Mayayaman ang kumakain no’n.”
“Sa bertdey ko, Kuya?” usisang muli.
“Oo. ’Pag marami na
’ko’ pera. Kakain tayo do’n.”
At sandaling nagliwanag sa isip ni Nining ang larawan ng sari-saring maririkit na kainan, na madalas nilang matanaw ng nanay mula sa mga dyipni at bus na kanilang nasasakyan.
Tulad ng maraming kainan sa Katipunan, hindi ba?
Tulad ng mga kainan doon na hinihimpilan ng mga batang watch-your-car. Sa harap ng Shakey’s, at ng Jollibee, at ng McDonald’s at ng Kentucky’s at ng Frankie’s Steaks and Burgers.
At Isa si Bototy sa
mga batang iyon, kaya’t siguro’y nakita mo na siya. Pagkat kinabukasa’y
naroroon na naman si Bototoy, naghihintay at nagbabantay. Uma-umaga,
tangha-tanghali, hapon-hapon. Nakilala niya ang mukha ng pagtitiyaga at ng
pagtitiis, at ng pagsisikap, at ng pag-aasam, at ng pagbabakasakali. Ng ginhawa
ng pagpanhik sa bahay na may bulsang puno ng sinsilyong kumakalansing. Ng
lungkot ng pagkaalat, ng paghiga sa banig na malakas ang pagnanasang makabawi
kinabukasan. At kinabukasan pa. At kinabukasan na naman. At kinabukasang muli.
Datapuwat sa pagdaan ng mga araw, ang sisidlang basyo ng Ligo’y nangalahati
rin, at dumami ang nilalaman. Nang bilangin ni Bototoy ang sinsilyo’y umabot na
sa beinte-uno, at maibibili na niya ng pork empanada para sa kanilang dalawa ng
bunsong kapatid.
“Bukas tayo bibili,” malapad na ngiti ni
Bototoy. Naghagikgikan sila at nanggigil sa tuwa, at nagsilitaw ang kanilang
mga ngiping-kuneho.
Madaling-araw pa lamang ay gising na gising
na ang magkapatid. Nagbihis si Nining ng kaisa-isa niyang barong panlakad –
kulay-koton kendi at may kuwelyong maypalibot na kulay-sapin-sapin at malaking
lasong kulay-koton kendi rin – na binibihisan lamang tuwing may binyag o kasal
o pistang-bayann o simbang gabi o dalaw-aginaldo.
Nagpulbos siya’t nagsuot ng hikaw niyang
plastik at hugis-bituin. Si Bototoy naman, pagkat walang sariling maayos na
panlakad ay nagsuot pa rin ng maluwang niyang shorts, at ng kamisetang may
dibuhong kupas na oso at mga titik na “so happy summer day be many friends”, na
hiram sa nakatatandang kapatid.
“Papasyal ang dalawa, ha,” biro ng nanay nang
sila’y paalis na.
“’Be-bertdey parti
kami Kuya,” masayang bitiw ni Ninging, at humawak siya nang mahigpit sa kamay ni Bototoy.
Inakyat
nila ang
liku-likong landas mula Barangka hanggang service gate sa likod ng
paaralan,
kasama ng tatay nila at nina Nono, Itoc, at Radny. Nagdaan sila sa
covered court, at nilakad ang malayu-layo pang Gate 2, at doon ay
tumawid sila sa
Katipunan, patungong Frankie’s Steaks and Burgers.
Samatala’y malihis
muna tayo. Kung madalas ka nga sa Katipunan, at kung nakita mo na nga ang
Frankie’s Steaks and Burgers, at kung nakakain ka na nga ng Frankie’s Especial
Pork Empanada, nakita mo na rin siguro ang weytres na madalas matoka sa
aluminyum na bintana roon.
Noong umagang iyon ay
muling gumising nang may toyo sa utak ang weytres. Noong kasing nakaraang
linggo at nagsara sila ng kainan, nang magbilangan ng pera’y natuklasang kulang
ng beinte-uno ang kabuuang bayad sa empanada. Sinabunan ng may-ari ang weytres
sa pagiging burara, at pinaghinalaan pang nangupit ng dalawang empanada.
Bagamat di siya inawasan ng sahod, labis na dinamdam ng weytres ang pangyayaring
iyon. Totoo ngang siya’y burara – bukod sa suplada at masungit at laging nakaismid
– ngunit sa pangungupit ng empanada’y wala siyang kasalanan.
Noong umagang iyon, nang ipasok ng
nagdedeliber ang mga kahon ng sariwang empanada, isa-isa yaong binuklat ng
weytres, at ang nilalaman ay maingat niyang binilang. Inayos niyang
bunton-bunton sa mga plastic na bandeha. Dinala’t pinatong sa pasemano ng
aluminyum na bintana. At hinugot ang drower sa ilalim ng bintana, upang ilabas
ang librito ng mga resibong puti at rosas at pirasong carbon paper at bolpen na
matagal nang nawawala ang takip (at bunga ng kaniyang pagiging burara).
Noong umagang iyon – bago dumating sina
Bototoy at Nining – ang nalalabing mga resibong puti sa librito’y naubos.
Muling hinugot ng weytres ang drower sa ilalim ng bintana – sa sulok kasi niyon
ay may nakasalansang mga buong librito. Nang humila siya ng librito, dalawang
empanada ang nasagi ng kaniyang kamay. Nangakabalot pa ng wax paper, ngunit
papanis na – noong nakaraang linggo’y nahulog sa drower at natulak sa loob (na bunga
rin ng kaniyang pagiging burara).
Nakaramdam ng inis ang weytres. Naalala niya
ang masasakit na salitang bitiw ng may-ari ng kainan, at ang paghihinala nitong
nangupit siya ng empanada. Nakaramdam din siya ng itim na gala – galak ng
paghihiganti, at galak ng pagwawagi.
Napaisip ang weytres. Hawak-hawak niya ang
mga empanada sa kaniyang mga kamay: parang dalawang shoulder pads ng blusang
dapat niyang tubusin sa mananahi mamayang gabi. Parang dalawang malalaking
kwei, mga pulang kahoy na pinahagis sa kaniya sa templong Tsino, minsang
samahan siya ng kaibigan upang magpahula ng magandang hanapbuhay.
Nang sandaling iyon ay may kumatok sa
aluminyum na bintana, at pagsungaw ng weytres ay may dalawang maliit na batang
naroroon, nakatingala sa kaniya, mabibilog at masisigla ang mga mata, mabibilog
din ang mga pisngi, nakangiti, at may mga ngipingkuneho.
“Pabili po ng dalawa’ empanada,” bati ng
batang lalaki.
At bilang kaganapan ng itim niyang galak ay
kinuha ng weytres ang beinte-unong abot-abot ng bata, at iyon ay lihim niyang
binulsa, iniabot naman niya ang dalawang lumang empanada.
“’Upo tayo, Nining,” ngiti ni Bototoy,
dala-dala ang kanilang kakanin. Upang di marumhan ang damit ng kapatid ay
pinagpagan niya ng alikabok ang isang bahagi ng sementadong island. Naupo
silang magkasiping, nagngingitian, naghahagikgikan at nanggigigil sa tuwa.
“Dito ‘ko
nagtatrabaho,” pagmamalaki ni Bototoy, at pinagmasdan ni Nining nang buong
pagmamangha ang kanilang kapaligiran. Maingat nilang binuklat ang wax paper, at
masayang tiningna ang mga empanada, at masaya yaong sinubo, at kinain nang
marahan upang namnamin ang lasa’t di nila agad maubos.
“Kaka’nin mo’ balat,
Nining, kasi malutong,” bilin ni Bototoy,
“Masarap, Kuya.”
“Masarap.”
Sa Katipunan, patuloy na nagdaan ang mga sasakyan, mabilis at mabagal..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento