Isang Kuwentong-Bayan mula sa Bikol
Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid na babae.
Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa kinaumagahan.
Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana ng kanilang bahay,
kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing hatinggabi. Upang malaman
ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento niya ito:
“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang, ngunit
matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga muwebles at
mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi sila makahanap
ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi, braso, at katawan ng
mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila pagkagising. Kung hindi
kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na madalas nilang
bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito. Sinasabing
dinadalhan nila ang mga kaibigan nila ng mga
masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula sa mga masasamang nilalang.
Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang
na nagtataglay ng kakaibang karunungan dahil sinasabing alam na alam
nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung sakaling ang
mga naging kaibigan ng duwende ay
biglang nagsabi ng anumang masama o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila
marinig ng mga duwende, ay parurusahan sila at hindi na muling babalikan.
“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay ko, o ang
lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at mga bintana bago
kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng
kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang
segundo bago maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na
nakatayo sa aming pinto. Maliit siya, kasinliit lamang ng isang dalawang
taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha; mayroon siyang mahabang
bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso niyang
balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya–malaki para sa kaniyang
braso.”Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot
sila. Nang maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla,
takla. Gawa ito ng duwende. Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang
panganay, at nakita niya ang duwende na pumapasok sa pinto.
At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng bahay, papunta sa mga dalaga.
Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab sa mga kamisa at saya.
Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa duwende.
Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa gabi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento