Biyernes, Marso 1, 2013

alamat ni daragang magayon

ni damiana eugenio
Katulad ng lahat ng alamat, nangyari ang kuwentong ito noong unang panahon. Naganap ito
sa payapang rehiyon ng Ibalong, sa maliit na bayan ng Rawis, na pinamumunuan ng makatarungang datung si Makusog. Ang asawa ng datu na si Dawani ay namatay sa panganganak.
Kaya’t nanatiling iisa ang anak ni Datu Makusog—isang anak na babaeng walang kapares sa
kagandahan at kabaitan, si Daragang Magayon. Hindi tuloy nakapagtataka kung bakit dumadayo ang napakaraming manliligaw mula sa ibang tribu, kabilang na ang nasa malalayong bayan, upang mabihag ang puso ng dalaga. Ngunit wala ni isa sa mga binatang ito ang nakakuha ng pagtingin ng magandang binibini. Wala, kahit ang makisig at mapagmataas na si Pagtuga, ang dakilang mangangaso at datu ng Iraga. Kahit pa pinaulanan ni Pagtuga ng mga handog na ginto, perlas, at iba pang kayamanan ang ama ni Magayon, ay hindi pa rin nito nakuha ang loob ng dalaga.

Ngunit wala ni isa sa mga binatang ito ang nakakuha ng pagtingin ng magandang binibini. Wala, kahit ang makisig at mapagmataas na si Pagtuga, ang dakilang mangangaso at
datu ng Iraga. Kahit pa pinaulanan ni Pagtuga ng mga handog na ginto, perlas, at iba pang
kayamanan ang ama ni Magayon, ay hindi pa rin nito nakuha ang loob ng dalaga.
Isang katangi-tanging binatilyo ang nagpakita si Rawis: si Ulap, ang tahimik ngunit matapang
na anak ni Datu Karilaya ng Katagalugan. Naglakad siya nang malayo upang makita ng sarili
niyang mga mata ang ipinagbuunying kagandahan ni Daragang Magayon. Ngunit hindi katulad ng ibang manliligaw, nagdahan-dahan si Ulap. Tiniis niya ang magnakaw lamang ng mga
sulyap mula sa malayo habang nagtatampisaw si Daragang Magayon sa ilog ng Yawa.
Pagkatapos ng isang maulang gabi, pumunta ulit si Magayon sa Ilog Yawa upang magtampisaw. Nadulas siya sa batuhan at nahulog sa malamig na ilog. Dagli-dagling sumaklolo si Ulap
at binuhat ang nangangatog na dilag pabalik sa dalampasigan. Ito ang naging simula ng pagiibigan ni Daragang Magayon at ni Ulap.
Ilang beses pang nagtagpo si Ulap at si Daragang Magayon. Hanggang sa isang araw, sinundan ni Ulap si Magayon sa pag-uwi. Pagdating sa bahay ni Datu Makusog, buong lakas
nang loob na ibinaon ni Ulap ang kaniyang sibat sa hagdan. Ipinapahiwatig nito ang kaniyang
kagustuhang pakasalan si Magayon. Walang nagawa si Magayon kundi mamula, magpigil ng
tawa, at umiwas ng tingin. Dahil dito, napagtanto ni Datu Makusog na umiibig ang kaniyang
nag-iisang anak, kaya’t hindi na siya nagpahayag ng kahit anong pagtanggi. Tuwang-tuwa
si Magayon at si Ulap. Binalak nilang gawin ang kasalan pagkalipas ng isang buwan upang
mabalitaan ni Ulap ang kaniyang mga kababayan, at upang makapaghanda nang husto para
sa pagdiriwang.
Mabilis na kumalat ang magandang balita. Nakarating agad ito kay Pagtuga, na namula sa
galit. Nang mangaso si Datu Makusog, dinakip siya ni Pagtuga. Nagpadala si Pagtuga ng mensahe
kay Magayon, nagbabantang papatayin ang kaniyang ama at maghahasik ng digmaan sa
kaniyang bayan kung hindi siya pakakasalan.
Sinunod ni Magayon ang kahilingan ni Pagtuga, labag man sa kaniyang kalooban. Agad-agad
na inihanda ang kasalan. Nang malaman ni Ulap ang masaklap na pangyayari, nagmadali
siya pabalik ng Rawis kasama ang pinakamagigiting niyang mandirigma.
Kasisimula pa lamang ng seremonya nang dumating sina Ulap. Sa halip na isang pagdiriwang
para sa kasal, isang madugong labanan ang naganap. Napuno ang langit ng mga palaso.
Napuno ang hangin ng tunog ng nagkikiskisang bolo. Nagtuos si Ulap at si Pagtuga, isang
labanan para sa kamay ng nag-iisang si Magayon.
Nadaig at napaslang ni Ulap si Pagtuga. Masayang sinalubong ni Magayon si Ulap, akmang
yayakapin—nang biglang isang ligaw na palaso ang tumama sa likod ng dalaga. At habang
sapo-sapo ni Ulap ang nag-aagaw-hininga niyang iniibig, bigla siyang sinibat sa likod ng
isang kawal ni Pagtuga. Agad na hinataw ni Datu Makusog ang kawal ng kaniyang minasbad,
isang matalim na bolo.
Pagkatapos ng mabilis na pangyayaring iyon, tumahimik ang lahat ng mandirigma. Tumigil
ang digmaan. Sa halip na marinig ang kasiyahan ng isang pagdiriwang ng kasalan, mga hikbi
at hagulgol para sa mga pumanaw ang lumutang sa hangin. Kahit na halos walang makita
dahil sa walang-tigil na pagluha si Datu Makusog, naghukay siya nang naghukay. Nang
matapos, nilibing niya ang kaniyang nag-iisang anak na si Magayon, at ang nag-iisa nitong
pag-ibig na si Ulap, nang magkatabi at magkayakap.
Habang lumilipas ang mga araw, unti-unting tumaas ang lupang pinaglibingan kina Ulap at
Magayon. Tumaas ito nang tumaas, at di nagtagal, sinamahan ito ng pagyanig ng lupa at pagtilapon ng nagbabagang mga bato. Naniniwala ang mga matatanda na kapag nangyayari ito,
ginagalit ni Pagtuga ang bulkan upang maibalik sa kaniya ang mga kayamanang iniregalo niya
kay Magayon—mga regalong inilibing kasama ng dalaga sang-ayon sa mga lumang
paniniwala.
May mga araw kung kailan natatakpan ng mga ulap ang tuktok ng bulkan. Sinasabi ng mga
matatanda na kapag nangyayari ito, hinahalikan ni Ulap si Magayon. At kung pagkatapos nito
ay marahang dumampi ang ulan sa magiliw na libis ng bulkan, naniniwala ang mga
matatandang lumuluha si Ulap.
Pagkatapos ng mahabang panahon ay umigsi na ang pangalan ni Magayon at naging Mayong
o Mayon. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, kahit na maaliwalas ang panahon, isang anino ng
masalimuot na kuwento ng isang natatanging dalaga at ng kaniyang iniibig ang bumabalong
sa magandang bayan ni Daragang Magayon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento